Tumigil bigla ang kotse ko sa gitna ng malaks na buhos ng ulan sa labas. Peste. Nagyon pa ako natirikan. Sa dami naman ng lugar na matitirikan, dito pa sa hindi ko alam kung saang lupalop nasaan. Sa dami ba naman ng pwestong matitirikan, dito pa sa gitna ng daan. Buwakangina! Wala talagang pag-asa. Ayaw mag-start ng kotse ko. Battery empty ang cellular ko. Hindi ko alam kung nasaan ako. Lakas ng ulan. Shet. Iiyak na lang ako.
Pumikit ako. Tumulo ang luha ko. Luha dulot ng inis at ng kawalang-pag-asa. Luha dulot ng takot at pag-aalala. Luha dulot ng pagtatanong: bakit ngayon pa!
Pumikit ako. Muling dumilat. Natuon ang paningin sa bakanteng upuan sa tabi ko. At tila sa pag-uulayaw ng iba't-ibang ilaw mula sa mga kotse sa labas, nabuo ang isang imaheng nagpaalala sa akin ng nakaraan.
Ganito ring oras noong gabing iyon ng itigil ko ang kotseng ito sa harap ng College of Law. Pinatay ko ang radyo. Hininaan ang air-con. Tinanggal ang seatbelt. Sabay buntong-hininga.
"Bakit ba?"
"Wala. Iuwi mo na ako. Ayaw ko nang mag-practice."
"Ano ka ba? 'Di ba eto nga yung pinunta mo dito?"
"E sa ayaw ko na eh?"
"Sige."
"Sige? Sige, lang? 'Di mo man lang ako sesermunan dahil pinaghintay pa kita hanggang 8:30 para sa wala lang? Papalampasin mo nanaman ba ito?"
"Ano?!"
"Iyan ang hirap sa iyo e. Hindi kita maintindihan. Bakit sa iyo okay lahat? May kasalanan na, okay pa rin? Ano ba naman?"
"Ano!?"
"Leche. Ano ba talaga, Jerome? Bakit ba ganyan ka sa akin? Naiilang ako eh. Hindi kasi kami ganito ng mga kaibigan ko eh."
"Pwes, huwag mo kong ikumpara sa mga kaibigan mo. Dahil ayaw kong maging kaibigan mo. Ayaw kong maging kaibigan mo lang."
"Iyan na nga ba eh. Sinasabi ko na..."
"Bakit, masama ba? Mahal kita. Ewan ko kung paano nangyari, pero mahal kita. Kailangan mong maramdaman na mahalaga ka sa akin. Ikaw, ikaw ang sagot sa mga panalangin ko. Ikaw, ikaw lang pala ang hanap ng puso ko. Ikaw, ikaw ang katuparan ng mga pangarap ko."
Pumikit siya. Umiyak.
"Umandar ka na."
"Ayaw ko."
"Umandar ka sabi eh. Ibaba mo ko sa Educ."
"Ayaw ko. Iiwan ba kita dito?"
"Jerome, umandar ka."
Umandar ako.
"Ibaba mo ako. Huwag mo akong susundan."
"Ano ba, magsalita ka. Gusto kong marining ang mga sasabihin mo. Murahin mo ako. Sampalin mo ako. Lahat ng bumabagabag sa iyo, sabihin mo, itanong mo."
"Nalilito kasi ako. Parang tayo na hindi naman tayo. Parang hindi naman tayo pero parang tayo. Ano ba yun?"
"Bakit hindi natin pasimplehin ang problema? Maging tayo. Tapos ang kalituhan."
"Jerome, hindi ganoon kadali iyon. Hindi pa ako handa."
"Tutulungan kita. Maniwala ka. Hindi ki sasaktan."
"Hindi ko ipagkakait ang anuman sa iyo. Magkikita pa rin tayo. Mag-uusap pa rin tayo. Pero, ewan ko, di ako makapag-isip."
"Hindi kita pinipilit."
"Tabi nga diyan, mag-dadrive ako."
Nagising ako sa katotohanan na may ngiti sa labi ko. Halos tatlong buwan na pala ang nakalipas mula noong gabing iyon ano. Halos tatlong oras na pala mula nang umalis ako sa UP. Wala pa rin ako sa bahay. Wala pa rin akong nararating.
Lumakas nanaman ang ulan. Lalong lumalim ang tubig. Lalong wala na akong mararating.
Lumakas nanaman ang luha. Lalong lumalim ang sugat. Lalong wala na akong mararating.